-
Dinuguan

Isa akong manunulat at bilang isang manunulat kailangan ko ng panulat. Isang araw nagising ako. Normal, mag-aalmusal, maliligo, magkokompyuter, manonood ng telebisyon hanggang sa naisipan kong magsulat muli. Gaya ng nakasanayan, unang-una kong hahanapin ang bolpen na paboritong paborito kong ginagamit.
Hindi ko alam kung bakit ko ito paborito. Minsan nga e putul-putol ang sulat nito, yung tipong nagba-blot ba. Pero kahit na ganun yung bolpen na yun, kahit anong mangyari, ibibili ko at ibibili ng refill dahil tila may kapangyarihan ako kapag hawak ko yun. Na tila walang makapipigil sa akin para magsulat. Na tila umaagos mula sa duluhan nito ang lahat ng naisulat at isinusulat ko. Kaya di ko ito itinuring bilang isang kagamitan. Para sa akin, ito’y parte na ng aking pagkatao bilang isang manunulat.
Pero noong araw na yun, buong bolpen na ang nawawala at di lang ang tinta. Hinanap ko sa buong bahay – sa bag ko, sa mga drawer, sa mga cabinet – pero wala talaga ang bolpen na hinahanap ko. Wala talaga ang bolpen na mahalaga para sa akin. Nagtampo kaya iyon? O di kaya naman ang pag-agos ng tinta niya ang parang pag-nosebleed nito dahil hindi niya maintindihan ang mga pinagsusulat kong gawa? Ang daming tanong sa isip ko hanggang sa umabot na ako sa kalituhan. Ang natira na lang na sigurado sa akin ay wala na nga ang bolpen ko. Kung nakapaglalakad lang yun, anong hiling ko na sana ay bumalik ito.
Simula noon, nahirapan na ako magsulat. Kahit na itim lang ang kulay noon, sangkatutak na kulay ang nadadala niyon nang dahil sa lahat ng mga naisusulat nito.
Sa Joli’s sa may UST ko nabili yoon kaso noong pumunta ako doon, wala na daw silang ganun. Ganoon nga siguro kapag mahalaga, mahirap hanapin. Rare. Pumunta ako ng mall para maghanap ng bagong bolpen. May Parker, may Staedler, may Pilot, may Pentel, may Panda. Wish ko lang na sana di nagalit yung saleslady sa National Bookstore sa kakatesting ko ng mga bolpen dun. “Miss… yung Pilot nga. Miss… eh yung Panda?” Bukod sa ang kulit ko at sa dami ng tao, halos magsulat ako ng talata para lang subukan bawat isa. Buti nga at hindi ako pinagbayad.
Pero bigo akong maghanap ng papalit sa bolpen ko noon. Yung Parker kasi, bakal kung bakal. Ang bigat naman ata noon. Bukod sa may kamahalan, kulang kung walang engraved na pangalan. Daming kaartehan. Yung Staedler naman, feeling ko arkitekto ako. Sobrang strikto. Di ko alam kung bolpen ba ito o tech pen ang bibilhin ko. Yung Pilot naman, tama nga sila na kapag naibagsak ay hindi na magsusulat – parang eroplanong nagcrash landing. Wala ng silbi. Yung Panda, ok na sana e. Mura, malinaw ang sulat pero noong nagging intense yung pagtetesting ko eh parang nababaliko yung katawan. Parang walang sariling gulugod. Nadadala at baka madali pang mabali.
Naikot ko na hindi lang sikat na bookstore kung hindi pati na rin ang buong mall. May nakita nga akong boutique na para lang sa mga bolpen. Aakalain mong alahas ang itinitinda. Nakastante. Nakakulong sa salamin at pinaiinitan ng spotlight para di ginawin sa air-conditioned na boutique. Ang lungkot siguro ng buhay ng mga bolpen na nakita ko doon. Wala silang kalayaan at nakakulong lamang dahil sa sobrang pag-aalaga sa kanila. Kung alam lang siguro ng mga manufacturer nila kung para saan ba talaga ang bolpen – panulat at hindi pang-display. May purpose na higit pa sa pagiging palamuti lamang. May sariling katangian na hindi mapepresyuhan ng mga numerong inimprenta at naka-imprenta sa mga tag nito.
Sa pagod ko sa paghahanap, kumain na lang ako sa McDo. Syempre, caramel sundae na naman. Comfort food ko yun eh. Napamahal na nga talaga kasi yoon sa akin. Halos tatlong taon ko ng ginagamit at sabi ko nga nirerefill-an. Ang tanong ko na lang eh, bakit ngayon? Bakit ngayon pa nawala? Kung kailan magsusulat ako ng panibago na namang komposisyon.
Pagkagaling ko sa mall, pumunta na lang ako sa simbahan. Ipinagdasal ko yung bolpen ko. Umaasa pa rin kasi akong nasa bahay lang naming yun. Masyado ko lang siguro iniisip kung saan ko huling nilagay at di ko sinusubukang maghanap gamit ang mata. Madali kasi akong mapangunahan ng mga naiisip ko kaya’t kung saan ko huling iniwan, doon at doon ko lang rin hahanap-hanapin. Naisip ko tuloy, may pagka-cylinder yung bolpen. Na kung nakapahalang ay maaaring gumulong sa ila-ilalim ng mga cabinet at kung anu-ano pa sa bahay. Wala nga namang iisang solusyon para sa isang problema. Madaming solusyon gayon ding maraming plano para aksyunan.
Nang nakaluhod na ako sa simbahan at nakatitig sa altar, ipinasa-Diyos ko na lang kung babalik man yung bolpen ko sa akin. Sa loob-loob ko “Sana bumalik na ito para makapagsulat na uli ako.” Pero ang dasal ko kay Papa Jesus doon sa altar, “Kayo na po ang bahala. Basta’t alam Niyo po kung gaano kahalaga yung bolpen na yaon para sa akin.”
Nga pala, nilagyan ko kasi ng Dymo label yun. Nandoon yung date kung kailan ko yun nabili. Kaya sa nagbabasa nito, kung makakita ka ng bolpen na may [June 14, 2007] kulay green na Dymo label, paki-ingatan. At kung sakaling manunulat ka rin at maging maayos ang dati kong bolpen, makatulong sa iyong pagsusulat din, sige itago mo na’t paka-ingatan. Maganda yang bolpen na yan. Pero kung sakali mang ayaw mo, huwag mo ng pag-aksayahan ng panahon. To avoid further damage ika nga, pakisauli na lang sa akin. Salamat.