-
Kakaibang Kahapon
ni Estancio Hugnatan
Katulad ng pagsikat ng araw
Katulad ng pag-init ng lupa
Katulad ng simoy ng hangin
Ngunit ibang halo ng damdamin
Ikaw ang kapiling
Katulad ng pagkain sa tanghali
Katulad ng tubig na inumin
Katulad ng kubyertos na gagamitin
Ngunit ibang kislap ng matang taimtim
Biyaya kang ituring
Katulad ng pagdapit-hapon
Katulad ng paglubog ng araw
Katulad ng pagdampi ng dilim
Ngunit ibang himig sa aking pandinig
Boses mong kumukulingling
Nasaan ka’t hindi ka naman lumisan
Nandito ka’t hindi ka naman mamasdan
Titingnan ka’t para sa wala lang
Ngingiti ka’t tayo lang ang may alam
Ikaw at ikaw lamang
Ani ko nga’y… wala ng iba.