-
Love Birds
ni Estancio Hugnatan
Sa paglipad ng ibon na muntikan ng di maabot
Kay taas na pala at di nakita ang kilabot
Bagamat kinaya ng kanyang mga pakpak
Ngunit talagang malakas ang ihip ng habagat
Napuwing ang ibon at napapikit na tila nasilaw
Nalito at naulol, nalihis sa sinusundang ilaw
Hindi naman madaling hanaping muli ‘pagkat hindi naman araw
Alam niyang kaya, ‘pagkat naririyan ang tanglaw
Hindi batid ng ibon ang lahat ng napapansin ng ulap
Ng ulan, ng bituin, ng hangin; ‘pagkat para sa kanya’y mailap
Ang hinahanap na kaligayahan sa pagtiklop ng pakpak na buklat
Buklat sa pagtiya-tiyagang suyuin ang nais; hanggang sa matuklap
Katapusan ma’y di niya alintana
‘pagkat nais ng ibon na makadapo sa bintana
At awitan ang ninanais niyang panauhin at gawing humanga
Sa tiririt ng kanyang lalamunan; sa pagkumpas sa pakpak na kanya
Hindi siya makahinga, hindi siya makagalaw
Anong nangyari’t tila nagkasakit ang magaslaw
Na ibon na dati’y dahilan ng kasiyahan ng kalikasan
Ngayo’y pipi, ngayo’y baldado, ni walang kapangyarihan
Tanaw niya ang punong nais dapuan
Tanaw niya ang bintanang nais awitan
Daan-daanan niya ito tuwing hapon na dapitan
Dapit-hapon na kumakalma sa kanyang pagod na katawan
PIpi ang ibon ngunit malakas ang kanyang tiririt
Wala siyang maisambit kundi paulit-ulit
Parang pagngawa ng isang iniwang paslit
Tila pagtalak ng magulang na makulit
Ngunit nasaan ang ibon ngayon
Alam niyang siya’y nasa alapaap at kung gayon
Walang pipigil maging bumabaril na kanyon
Dahil ang ibon na ito ay handang yumaon
Walang ibang nasa isip kundi makamit
Dahil walang ibang rason na maaaring pumalit
Dahil walang kasing gandang bintanang nais madagit
At walang makapipigil sa kanyang pag-alay ng maalab na awit
Matibay ang ibon, matibay ang loob, matibay ang pagtibok
Susuong sa apoy, sa tubig, at malakas na hanging dumadagok
Muling papagaspas ang pakpak na minsa’y nahiya’t tumiklop
Ibubuka niya ito na tila bibig na may gustong ipatarok