-
Pugad ni Kasiyahan
ni Estancio Hugnatan
Isang agilang nakamasid sa di kalayuan
Sa dapit-hapon na kay rikit ng pinagmulan
Sa paglubog ng araw’t kislap ng parating na buwan
Mananahimik at ‘di iimik mula sa kinadadapuan
Dama ng bulik kung sa tandang ang lakas at ihip ng hangin
Tumatanglaw sa mata’y nag-aagaw na liwanag at dilim
Ngunit ang talas ng tala nitong agila’y di magamit
Kaya’t ang ibang pandama’y pinag-ibayo niyang higit
Ano pang dapat gawin maliban sa paglipad sa himpapawid
Pagkat alam nitong nilalang na may pakpak na di siya manhid
At malinaw sa isip niya na ang nadarama’y totoo at tuwid
Na ang tanging nais na mangyari’y nadarama nila’y tuluyang lumawig
Ngunit paano na ang ibon kung malakas ang ulan
Paano na ang pugad niya na pinaghuhugutan ng lakas na laan
Paano na ang ibon kung matayog ang pagkulog at nagkukulang
Ang lakas dahil walang madapuan sa kalagayan ng magulong parang
‘Sing talas ng kuko niya ang nalalaman ng agila sa kilos ng pagpintig
Hindi siya hihinto, hindi siya titigil at siya’y papagaspas
Nanaising makadapo sa punong naroroon ang pugad na pinunla
Pagkat sa doo’y masaya siya, susuungin anumang makabangga
…at umaasa ngang ang pugad ay naroroon pa.