1. Makabuluhang Kawalan

    ni Estancio Hugnatan

    Sa hanging malamig dama mo ang init
    Pagkat yakap ka nitong buong-buo
    Pagkat may binubulong itong pagsamo
    Sana’y sa hangin na umiihip


    …marinig mo ang
    bulong ng damdamin.


    Sa pag-ihip ng hangin, magkukumpulan ang ulap
    Tatabing sa kainitan ng araw na laganap
    Tatabing sa katamisan ng buwan sa alapaap
    Pati na rin sa mga bituing gabay ng nasa dagat


    …pagkat naririto ka na’t sa
    buhay ay patnubay.


    Sa simoy ng hangin malalasap ang matamis na pagsinta
    Di mawawalan ng kasama kahit pa mag-isa
    Pagkat nakakausap ang hangin at sasagot siya
    Iihip sa iyo na tila tumutugon nga


    …mga kaganapang nakahanay
    para sa kaganapan.


    Sa daloy ng hangin na tumatagos sa katawan
    Ramdam sa pagitan ng mga daliri’t kalamnan
    Kumikiliti sa ilalim ng tainga’t mga pilik-mata
    Umalis ma’y mananatili ang nadarama


    …umiihip pa rin ang hangin kahit
    katawa’y wakas na ang buhay.


    Sa hangin madarama ang Diyos
    Na lulukob sa pagkatao’t papasukin ito
    Hindi ka malulunod kundi’y mag-aalab lalo
    Lahat ng kagandaha’y madarama mo


    …Diyos ay nasa hangin.








    —-at Diyos ay pag-ibig.

    2 years ago  /  Notes