-
Sigurado Siguro
ni Estancio Hugnatan
At nagsalita ang langit sa tainga ng tao
Nagbulong ng mga kataga na di nito matimo
Hawak sa palad ngunit buhanging dumadaloy
Di mapigilan, di mahawakan, patuloy sa pag-ugoy
Pinipilit ng isip na matarok ang kaganapan
Ngunit sa laki nito’y di kayang matakpan
Kahit kumot, di man lamang malukuban
Pagkat ang diwa’y walang mapagkukumparahan
Saan huhugutin ang mga rason upang matuluyan
Ngunit pa’no rin rarasunan ang bagay na di maunawaan
Pagkat kumikilos lamang sa dikta ng nararamdaman
Masyadong malakas upang sawayin ng isipan
Bigyan man ng paghahadlang na ‘sing tibay ng bato
Bigyan man ng pagpipigil na ‘sing tayog ng bundok
Ang desisyon ay di na muling maaaring malagok
Wala namang mawawala kung handang matigok
Hindi man lubusang maintindihan ang mga kaganapan
Hindi man ‘sing linaw ng diyamante ang nararanasan
Patuloy na lalakad sa gitna man ng kadiliman
Pagkat ang mga paa’y may gabay na nararamdaman
Katambal ang isip sa pagyabag sa kadilimang natatamasa
Katambal ang larawan sa isip na di nananawa
Hawak ang itsura na sa detalye’t kulay ay sagana
Muling napaisip kung hanggang isip na lamang ba talaga
Pagkat kung pananatilihin na lamang itong nasa isip
Pagkat kung nakakulong ang ideya sa panaginip
Masahol pa ito sa bulag na ang pangarap ay di makikita
At sa piping walang silbi sa pagsasalita
Kikilos bagamat walang ibang rasong mahanap
Ang tanging paninidigan ay ang paniniwala
Ang tanging sandata ay ang pangarap
Maging ito ma’y dahilan ng kasawiang mailap sana
Ano man ang mangyari’y di isisisi sa tadhana
O maging sa sariling malalim na paghihinuha
Pagkat pinakamakapangyarihan sa desisyong gawa
At pinakawalang laban sa susunod na kabanata