-
Tulala
ni Estancio Hugnatan
Di siya nag-iisa pagkat kasama niya
Ang hangin na sa kanya’y nagdidikta
Ng paghingang minsa’y may bunto pa
Kasama niya ang araw maging ang buwan
Na kahit sa damang lamig o kainitan
Tila yakap siya’t di pinapabayaan
Na pinakamaganda pa’y dinadamayan
Kasama niya ang lupa na papatakan
Ng luha kung pag-iyak ay pahihintulutan
Na tatalunan; kuryentehin man ng kasiyahan
Kasama niya ang tubig na magpapatahan
Maging tubig na may epekto sa pag-iisip
Sa modo at sa pagkilos ng katawan
Kung sakaling umabot sa paghahagulgulan
Patak ng nalulusaw na mata’y lulukuban,
Sasama sa lupaing bughaw nang dahil sa kalangitan
Ngunit ang tunay na kasama niya ay
Ang kaha ng kanyang malay
Dito niya binubuo ang nais bigyang buhay
At tinatapos ang mga bagay sa pagtatanggal ng kulay
Sa kahang ito kanyang inilalagay
Ginawang baul ng kayamanan, tila isang bahay
Ng kanyang mga mithing pinaka-iingatan
Na nabubuo niya sa pakikipagtitigan
sa hangin, tubig, lupa, at kalangitan
Dito pinapakilos ang istoryang nais mabuhay
Dito, pelikulang mapapanood na tila mula sa sinehan
Sa isang sinehang may laman ang lahat ng upuan
Ngunit siya lamang ang nakakakita’t nakaaalam
Pelikulang kumpleto sa ginagampanan
Ngunit ang gumaganap ay walang kaalam-alam
Na kasapi siya sa pelikulang sa kaha’y tanan
Sa suma ng mga bagay na siya’y napaliligiran
Lahat ng ito’y matatawag niyang kasamahan
Kaya’t di siya magiging mag-isa; laging may kaugnay
Maging siya ma’y tulala na dilat at may bibig na laylay
…ang pagtitig sa kawalan ay di kawalan…