-
Unsiyami
ni Estancio Hugnatan
Inakyat mo’ng mga palapag sa pamamagitan ng hagdan
Nagtiis ang binti mo’t katawan sa hirap na nakamtan
Naninigas na nga’t tila namamanhid na ang kalamnan
Ngunit patuloy pa rin ‘pagkat may hangad sa katuktukan
Sa unang baytang bago pa man ang unang palapag
Titingin kang pataas at iyong maaaninag
Ang kinalalagyang taas ng tinitingalang pugad
Waring sumasandal sayo’t nakapanlulumong sagad
Ngunit sa unang pag-apak ay sunud-sunod na lalo
Kapag nasasanay na sa pagpanik na uli-uli
Di maitatanggi ang pagpintig ng aking puso
Na ramdam ng katawan at sangkalamnan
Dala ng paghingal pagka’t ika’y tao rin naman
Sa paglakas ng pagpintig ay di pagod ang dama
Sapagkat ang pintig nito’y may binubulong pa
Wari mo’y hinihila pataas sa hagdanang tinatahak
Dumaan ako sa unang palapag at kay ‘raming nakita
Mga kendi’t matatamis na pagkaing nakakalat
Ganun rin naman sa mga sumunod na palapag
Aakalain mong pagawaan ng matatamis ang inaakyat
Ngunit sa pagtaas ng palapag ay siyang pagbaba
Ng iyong sigla at natatamasang ligaya
Naglaho na ang mga kending sa kulay ay hitik
At di maintindihang mayroon palang kending may tinik
‘Pagkat nagpakasasa sa siglang binibigay ng matamis na lasa
‘Pagkat ang sakit ng binti’t kabog ng dibdib ay di alintana
Ang kapagura’y napalitan ng pagkamanhid
Kaya’t pagdating sa ika-siyam na palapag ay may nagsabi
Bakit hindi mo na lamang itigil pagkat wala rin naman
Ang pag-akyat ay walang katapusan pagka’t sa totoo lamang
Sa itaas ay wala naman talagang patutunguhan
Naisip mong kaya pala, kaya pala ang kendi’y nakabalot sa plastik
Kaya’t tingnan mo ang iyong sarili at ang sarili mo na lamang
Pagkat wala ka ng mga mata, mga tawa, mga ngiting makikita pa
‘Pagkat walang pinipili ang pagkaunsiyami
Siyam-siyam man ang inabot mo sa pag-akyat lamang
Ngayon ay panahon na upang ika’y bumaba na
Ilang siglo pa kaya ang bibilangin ng mundo hanggang makababa ka?…isinulat sa kahilingan ng isang kaibigan.