-
Anino, Ang Aking Aso
ni Estancio Hugnatan
Apakan mo ang anino mo’t nang ika’y makasigurado
Na walang makatatakas sa pagharap mo sa palaso
Ilagan mo ang dapat ilagan, at harangan ang kailangan
Saluhin mo ang mga ito at tiyaking di mo kamatayan
Pagka’t kung galos at pasa lamang, ito’y iyo pang ikalalamang
Ipunin mo’ng mga gasgas at galos sa sangkabalatan
Pagka’t ito’y panlabas, hanggang ibabaw lamang
Matuwa sa dugong dadaloy magmukha mang kinatay na baboy
Pagka’t ito’y tunay na pahiwatig ng masiglang pintig ng puso
Huwag mong indahin ang pagdabog ng tambol na pandigma
Hayaan mo itong maging himno mo sa pagsabak sa lusak, sa lupa
Sayawan mo ang tono nito, gawing aliw ng katawan ang dinig na saliw
Huwag padadaig sa kaba, sa kalaban, o sa sarili mong paghihinuha
Isipin ang pagkakasunod sunod na paggalaw ng sa saliw ng tambol
Hindi ka mabalahaw at ika’y nakapang-uuyam na gumalaw
Huwag patakasin ang tamang kunot na sa noo’y umaapaw
Itali sa mukha, nang di mawala daanan man ng rumaragasang baha
Sa pagtahak saan man sa mundo ay isama mo ang iyong anino
Bilang bandera na ika’y di kabilang sa mga likha mong multo
Gawing patunay ang naninirahang kunot sa mukha na mamasamasa
Na di nagpadaig sa anumang dumaang panghihikayat ng maling nagpapalaganap
Ng kalambutan na di kailangan sa pagpapatibay ng nasimulang paninindigan