1. Kabaliktaran

    ni Estancio Hugnatan

    Paiyakin mo ako’t saktan ng matindi
    Lumayo ka’t ‘wag ng magpapakitang muli
    Itigil mo na ang ‘yong mga ngiting nangingiliti
    At ‘wag iparirinig ang boses mong kay buti

    Hindi ko na kailangan ng mga matatamis mong gawa
    Mga pinagdaana’t pinagsamaha’y kalimutan mo na
    Isipin mong di kita minahal at ni di mo ako nakilala
    Kalungin mo sa isipan ang lahat ng pagtataka

    Pagdudahan mo ang aking nararamdaman
    Pagsisihan mo ang sa ngayo’y iyong kinalalagyan
    Kilatisin mo’ng pag-ibig na animo’y ‘king pinahahalag’han
    Gawing laruan ang damdamin kong puno ng kamanhiran

    Tapusin ang kung ano man ang nasabi ngang nasimulan
    Tapusin na nga ito kung totoong mayroon man
    Kitilin na ang ugat bago pa man seryosong magkasakitan
    Ibaon sa lupa, sunugin, ipaanod sa ilog at tuluyang kalimutan

    Humanap ka ng iba na sa tingin mo’y mas dapat
    Sumama sa kanya’t sa kanya na lamang maging tapat
    Ituring mo na ako para sa’yo kailanma’y di sasapat
    Walang mangyayari kahit anong gawin mong pagbanat

    Pigain mo ako sa aking mga kamalian at husgahan
    Wasakin mo ang aking tiwala sa sarili’t katauhan
    Pulbusin mo ang natitira kong kapirasuhan
    Apakan, luhuran, tukuran, maging iyo pang dur’an

    Papanawin mo ang ano mang iyong nararamdaman
    Buuin mo sa isip na ito’y kathang-isip lamang
    Puksain mo ang lahat ng namuo sa ating nakaraan
    Ang mga nagawa ko para sa’yo, di nangyari kailanman

    Kalimutan mo na ang mga regalo’t maaamong salita
    Pati mga panggulat ko’t matatamis na pangbigla
    Di mo na ito kailangan ‘pagkat wala namang katotohanan
    Uulitin ko’t ito’y laru-laro lamang

    Ngunit sa huli ng tulang ito ay ipagpaumanhin mo
    Na kailangan kong gawing malungkot ang sarili ko
    Ang bawat linyang naisusulat sa ibabaw nito’y
    Mga gawang eksenang alam kong ikalulungkot mo

    Kalimutan mo na’ng mga linyang iyon na nakabubugnot
    Pinupuno ko lamang ang aking katauhan ng mga kurot
    Pinaparaang muli ang isip sa nakababaliw na pasikut-sikot
    Ipagpaumanhin mo ang pangangailangan kong maging malungkot

    Sana’y maunawaan mo sa dakong ito
    Na ang paglikha ko ng mga linyang mala-demonyo
    Ay kinailangan lamang upang ipaisip sa iba pang makababasa nito
    Na ang labis na kalungkuta’y may katapat ng kaligayahang totoo

    ‘Pagkat sa ngayo’y di na ako iiyak o gaanong masasaktan
    ‘Pagkat ang di mo paglayo ay aking pinagkakatiwalaan
    Sana nga’y huwag kang titigil sa mga ngiti ng kaginhawahan
    Pati ang marinig ang boses mong puno ng kabutihan

    Ngayo’t maging dati pa’y dama ko’ng matatamis mong gawa
    At maging kaluluwa ko’y di makalilimutan ang pinagsamahan
    At walang pag-iisip, sapagkat una’t sapul ay nararamdaman
    At ang pag-iibigan nati’y di na katakataka

    Kaya’t noon pa man ay ‘di ko na pinagdududahan
    Maging anuman ang aking maging katapusan
    Alam kong ‘di ko ito pagsisisihan kailanman
    ‘Pagkat di tulad ng isang laruan, ako’y may natutunan

    Kaya nga’t sana ay wala na itong hangganan
    Kahit ang katotohanan ng kamatayan ay naririyan
    Sapagkat ang mga kaluluwang tunay na nagmamahalan
    Ay pagtatagpuing muli sa langit ng Amang makapangyarihan

    Ang Diyos ay pag-ibig, tunay na Siya nga
    Kaya nga’t ikaw ay turing kong Diyos sa lupa
    Instrumento ng Diyos upang pag-ibig ay maipadama
    Sa katulad kong sa pag-ibig niya ay nangungulila

    2 years ago  /  Notes